Nasa langit na ba ako?--Itong mga katagang ito ang tangi kong nasambit habang palinga-linga ako sa aking paligid.
Tila ako sirang napatitig nalang sa kawalan--na-shock, nanigas. Tila isang panaginip na bumalik sa aking alaala ang mga pangyayari kani-kanina lang. Di ko alam kung anong mararamdaman--amazement... takot... Ewan... Ni wala na nga akong maramdaman, physically.
Nauulinigan ko pa ang isang pamilyar na tinig. Ginigising ako. Si Mama. Oo nga pala. Papasaok sina Mama at ang kapatid ko sa school ngayon. Teacher ang mama ko sa Mababang Paaralang Sentral ng Sagada habang ang kapatid kong bunso sa mataas na paaralang ng Sagada nag-aaral. Dito din ako lumaki at natuto sa piling ng dalawang eskuwelahang ito. Gising na! Ayan nanaman ang tinig.
Animo'y isang alingawngaw na paulit-ulit kong naririnig ang boses ni Mama. Gising na! Gising na! Ngunit sa wari'y ko'y madilim parin sa labas. Sa kagustuhan kong pahintuin ang nakakabinging tinig na ito'y sinakluban ko pa ang mga tenga ko ng unan saka lang ako nakatulog ulit. Ngunit wala pang ilang minuto, bigla akong napabangon. nang isang napakalakas na tunog ang marinig ko. Inaalimpungatan pa akong napabalikwas sa hinihigaan ko. Anong ingay 'yun? Parang bombang pinakawalan nalang kung saan. Napadungaw ako sa bintana at hindi ako makapaniwala sa aking natanaw. Puting-puti, animo'y makapal na usok at tanging ang mga bubong ng kabahayan at itaas ng punong nasa harapan ko ang tumambad sa aking mga matang pupungas-pungas. Hindi ko alam kung ako'y matutuwa, maiiyak o kaya'y matatakot sa mga sandaling iyon.
Patay na ba ako? Hindi puwede. Madami pa akong kailangang gawin at tapusin. may mga pangarap pa akong hindi natutupad. Hindi talaga pwede. Kung langit na nga ito'y bakit hindi kasiyahan ang nararamdaman ko kundi pagsisisi, takot at panghihinayang? Hindi maaari.
Sa isa nanamang iglap, biglang naglaho ang mga litratong pinapanood ko ngunit hindi ang puting usok na pumapalibot sa kinaroroonan ko. Doon ko lang napagtanto na mga ulap pala itong puting bagay na bumaba sa lupa-- hamog kumbaga pero sa sobrang kapal ay hindi mo makita ang nasa kabila nun. Yung malakas na tunog palang iyon ay yung pintuan sa baba na binalibag pasara ng kapatid ko pagkalabas niya ng bahay. Napatitig nanaman ako sa nasisilayan ng aking mga matang wala nang bakas ng pagkatakot. Napalitan ito ng pagkamangha sa natatanaw. Unti-unting nawawala yung ulap at nasisilayan ko na ang sinag ng araw. Ang ganda. Ang lamig ng simoy ng hanging dumampi sa aking mga pisngi.
Ganito pala ang pakiramdam ng muling makauwi sa Sagada makalipas ng ilang taong mamalagi sa siyudad. Ang sarap ng pakiramdam. Lalo na kung pagkagising mo ay ganito na lamang ang senaryong masasaksihan mo. Mga ulap saan ka man mapatingin. Mga ulap sa ituktok ng mga bundok animo'y hinahagkan ang mga ito. Mga ulap sa ibayo animo'y malawak na dagat. Mga ulap sa mga bubong ng bahay animo'y usok galing sa tsimnea. Para kang lumilipad. Parang nakatuntong sa mga ulap. Napaisip tuloy ako, ganito din kaya sa langit?
Ayun si Haring Araw, pasulyap-sulyap sa likod ng mga ulap. Ang sarap talaga ng pakiramdam. Nakarinig ako ng mga mumunting tinig. Natigilan ako sa narinig ko. "Langit, lupa, impiyerno. Saksak puso, dadaloy ang dugo. Patay, buhay..." Ah, apat na batang anak ng kapitbahay namin. Naglalaro sa labas. Napangiti ako sa sarili. Nilalaro din namin yan ng mga kaibigan ko nung mga bata pa kami tulad nila.
Bumaba ako sa sala para manood sana ng news na nakagisnan ko na tuwing umaga. Pagkabukas ko ng telebisyon, "Ako si San Pedro sabi ng anghel sa tarangkahang ginto..." Ngek! Nasa langit na nga yata ako.
No comments:
Post a Comment
Leave Me A Message